MENU
  • 1 of 6 DOTr 122nd Anniversary
  • 2 of 6 Build Build Build Banner
  • 3 of 6 Aviation Banner
  • 4 of 6 Railways
  • 5 of 6 Maritime
  • 6 of 6 Road Sector
Screenshot 20210202 162719
Sa naging press briefing ng Department of Transportation (DOTr)- Road Transport and Infrastructure Sector ngayong araw, ika-02 ng Pebrero 2020, iba’t ibang proyekto at programa ang tinalakay, kabilang na ang isyu tungkol sa implementasyon ng Child Safety on Vehicles Act at Motor Vehicle Inspection System (MVIS).
 
Sa briefing, nagbigay ng klaripikasyon at anunsyo si Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante kaugnay sa RA 11229 o ang Child Safety on Motor Vehicles Act.
 
“Ang ginagawa po natin ngayon ay pinapalawak pa natin ang kaalaman ng madla, at kung sakaling may makikita pong lumalabag dito [sa RA 11229], pinapaalalahanan lang 'yung mga concerned, na ito ay para rin sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay—mga anak man, kapatid na bata, o sino man,” ani Asec. Galvante.
 
Dagdag pa niya, “Hindi po gagawin ng LTO na mag-penalize agad o magbigay ng kaukulang sanction doon sa mga lumalabag. But, ang panawagan po is, again, we seek the cooperation of everyone para tunay pong marating 'yung purpose po nitong batas na ito— ma-reduce natin to the bare minimum 'yung mga insidente kung saan 'yung mga bata ang nadi-disgrasya. So, sa madaling salita po, huwag kayong mangamba na huhuliin ang lumalabag at pagmumultahin ng malaki. Hindi po ‘yun ang unang-unang gagawin natin, kundi, uulitin ko rin—na palawigin natin ang kaalaman, para 'yung kooperasyon ng madla ang maging response sa pag-effect nitong batas na ito.”
 
Kaugnay din dito, binigyang-diin ni Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Goddes Hope Libiran na walang katumbas ang buhay ng ating mga mahal sa buhay, at ipinaliwanag din na ang focus ng gobyerno ngayon ay ang massive information, education, and communication campaign tungkol sa batas.  
 
“Ang magiging focus po natin ngayon ay 'yung ating massive information, education, and communication campaign, in coordination with PIA, DepEd, DOH, pati na rin po ang DTI at ang other friends po natin from the private sector. Kasi, at the end of the day, kailangan nating maipaalam sa ating mga kababayan na wala pong katumbas na halaga ang buhay ng tao. Lalung-lalong wala pong katumbas na halaga 'yung buhay ng mga mahal natin sa buhay. Kaya ito pong batas na ito ay ipinatutupad natin—pinatutupad ng ating gobyerno para po maprotektahan 'yung buhay ng ating mga kababayan, lalong-lalo na po yung ating mga anak, mga pamangkin, 'yung ating mga mahal sa buhay,” ani Asec. Libiran.
 
Tungkol naman sa mga Motor Vehicle Inspection Systems (MVIS), ipinaliwanag ni Asec. Galvante ang halaga ng program. Ayon sa kanya, matagal na ang konsepto.
 
“Yung Motor Vehicle Inspection po is a requirement doon sa pagtitiyak na 'yung mga sasakyan na gumagala sa ating lansangan eh dapat lang payagan na gumala, rehistrado, at maayos ang performance nito. Kaya ang isa pong batayan e yung tinatawag na roadworthiness,” pagpapaliwanag ni Asec. Galvante.
 
Sa legal basis naman ng MVIS, ipinaliwanag ni Undersecretary for Legal Affairs Reinier Paul Yebra na maraming batas ang sumusuporta sa programang ito, kabilang na ang Republic Act 4136 oLand Transportation and Traffic Code,  Memorandum Circular 86-003 na inisyu noong 1986 at ginawang pre-registration requisite o mandatory ang vehicle inspection bunsod ng ulat na maraming sasakyan ang na-iinvolve sa road crash. Ito din ay ayon sa Executive Order (EO) No. 125, na nagbibigay-kapangyarihan sa DOTr na humingi ng tulong sa kahit anong organisasyon, mula sa pamahalaan man o sa pribadong sektor at inulit ang mandato ng LTO na magpatupad ng inspeksyon sa mga sasakyan upang siguruhin ang road safety, at ang RA 8749 o Philippine Clean Air Act. 
 
“Marami ‘hong batas ang sumusuporta sa programang ito. Hindi lang ‘ho ngayon, kundi, kahit noon pa man,” ani Usec. Yebra.
 
Sa benepisyo ng MVIC, ang mga pasilidad na nagsasagawa ng road safety inspection, at pagkakaiba nito sa  emission testing centers, inihayag ni Asec. Galvante, “Malaki po ang pagkakaiba ng tinatawag na Emission Testing Center at saka 'yung Motor Vehicle Inspection Center. Unang una po, ang emission testing center na pinayagang mag-operate nung una is that ang mine-measure lang po nito ay 'yung buga ng usok nung sasakyan. Limited lang po sila sa kakayahan sa pag-evaluate ng sasakyan. Hindi po nila nagagawa 'yung pag-check ng preno, alignment ng gulong, yung ilaw, at kung ano pang kailangang tignan para po ma-pronounce na roadworthy 'yung sasakyan. Samantala po, sa Motor Vehicle Inspection System, lahat po ng nabanggit ko nagagawa and even, including 'yung emission ng sasakyan.”
 
Maliban pa rito, nagbigay din ng updates si Asec. Galvante kaugnay sa isyu sa motor vehicles at motorcycle plates, extension ng renewal ng vehicle registration, at klaripikasyon tungkol sa pagsusuot ng face masks tuwing nasa loob ng pribadong sasakyan.
 
Para sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), inilahad ni Chairman Martin Delgra III ang iba’t ibang programang isinasagawa ngayon ng ahensya, tulad ng pagbibigay ng Direct Cash Subsidy at Service Contracting, sa ilalim ng “Bayanihan To Recover As One” Act,, at PUV Modernization Program.
 
Inanunsyo naman ni Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor ang status ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura sa road sector, kabilang na ang Bike Lane networks, Bike Sharing Program, EDSA Greenways Project, at EDSA Busway.
 
Ani Asec. Pastor, ang mga ito ay bilang tugon sa mandato ni DOTr Secretary Arthur Tugade na baguhin ang landscape ng mga kalsada ng ating bansa.
 
Sa isyu tungkol sa implementasyon ng cashless transactions sa tollways, nagbigay ng paliwanag at klaripikasyon sa isyung kaugnay nito si Undersecretary for Finance Garry De Guzman, na itinalaga ni Secretary Tugade bilang alternate Chairman ng Toll Regulatory Board (TRB).
 
“Alam natin na dinefer natin 'yung full implementation, in the sense na kapag wala ka pang RFID, and you want to use our tollways, you will still be allowed. Hindi ka pa rin huhulihin, kung halimbawa, pumasok ka doon sa RFID lanes na wala ka pang RFID sticker or nagkataon na wala kang load,” paliwanag ni Usec. De Guzman.
 
Dagdag pa niya, “Ang magandang nangyayari rito ay nagkakaroon tayo ng regular dialogue with the operators. It is conducted at least twice a month. Kumbaga, pinagaaralan natin ‘yung papaano tayo magtra-transition to full cashless transactions.”
 
Ipinaliwanag din ni Usec. De Guzman na tuloy-tuloy ang pagkakabit ng RFID stickers sa mga tollway users, at malaki na rin ang improvement sa traffic at queuing sa mga tollways.
 
Maliban pa rito, nagbigay din ng update si Assistant Secretary for Special Concerns and Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) tungkol sa anti-colorum operations na naisagawa na, at iba’t ibang apprehensions at violation na na-issue na ng i-ACT.
 
Kabilang din sa press briefing si Road Sector Senior Consultant Alberto Suansing.
###
02February 2021

 

TS FOI GPPB