MENU
  • 1 of 7 DOTr 122nd Anniversary
  • 2 of 7 Build Build Build Banner
  • 3 of 7 Aviation Banner
  • 4 of 7 Railways
  • 5 of 7 Maritime
  • 6 of 7 Road Sector
  • 7 of 7 18-day Campaign to End Violence Against Women
IMG b337d4f61d5bc8278de842a8e93b92de V
MANILA – Mas madali nang masusubaybayan ang pagbiyahe o paglabag sa batas trapiko ng mga pampublikong sasakyan matapos pormal na ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Central Public Utility Vehicle Monitoring System (CPUVMS) ngayong araw, ika-17 ng Setyembre 2021.
 
Sa kanyang mensahe na ipinarating ni DOTr Undersecretary for Finance Giovanni Lopez, sinabi ni DOTr Secretary Art Tugade na mahalaga ang papel na ginagampanan ng teknolohiya sa kaligtasan ng mga publiko lalo na ngayong may pandemya. 
 
Ayon kay Sec. Tugade, sa pamamagitan nito, mas magiging maayos, ligtas at maasahan ang iba’t-ibang serbisyo ng ahensiya. 
 
“Paulit-ulit po naming bibigyang-diin na sa ating recovery efforts ngayong panahon ng krisis, malaki po ang papel na ginagampanan ng technology at digitization. Mas itinataguyod ng digitization ang safety ng mga tao. Dahil po dito, nalilimitahan ang human intervention at mas napapabilis ang serbisyo ng ating mga frontline services sa sektor ng transportasyon,” pahayag ni Sec. Tugade.
 
Ayon naman kay LTFRB Chairman Martin Delgra, ang CPUVMS ang kauna-unahan at modernong sistema ng ahensiya kung saan ‘real-time’ na mamo-monitor ang bawat biyahe, bilis, estimated time of arrival (ETA) at dami ng mga tumatakbong PUVs sa isang partikular na oras at ruta sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS).
 
Aniya, malaking tulong ito para makapagbigay ng sapat na impormasyon sa mga pasahero sa pagplano ng kani-kanilang mga biyahe.
 
Paliwanag pa ni Chairman Delgra, maaari ring ma-monitor sa Command Center ng LTFRB Central Office ang mga posibleng violations o paglabag sa mga alituntunin at batas ng mga PUVs, gaya ng pagiging out of line, over dwelling, speeding at pagiging colorum.
 
“This is a milestone for the Board kasi kauna-unahang proyekto ito kung saan gumagamit po tayo ng panibago at mordernong teknolohiya in order to address monitoring and enforcement activities of the Board,” ayon kay Chairman Delgra.
 
Sinabi pa ni Delgra na kasalukuyan nang ginagamit ang CPUVMS sa Phase 1 ng Service Contracting Program kung saan binabantayan sa Central PUV Monitoring Station ang takbo ng mga Public Utility Bus (PUB) na bumibyahe sa EDSA Carousel.
 
Oras na maging fully operational ang CPUVMS, ipatutupad ang Phase 2 para sa City Public Utility Bus (PUB), Phase 3 naman para sa Provincial PUBs, at Phase 4 para sa mga pampublikong sasakyan sa mga Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO).
 
Ang paglunsad ng CPUVMS ay alinsunod sa DOTr Department Order 2017-11 o Omnibus Franchising Guidelines at alinsunod din sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
 
Katuwang ng DOTr at LTFRB sa pagpapatupad ng CPUVMS ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Science and Technology (DOST), Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Land Transportation Office (LTO), National Economic Development Authority (NEDA), Department of Budget and Management (DBM), gayundin ang mga PUV operators at GPS providers.
 
###
DOTr-LTFRB Press Release
17 Setyembre 2021