MENU
  • 1 of 7 DOTr 122nd Anniversary
  • 2 of 7 Build Build Build Banner
  • 3 of 7 Aviation Banner
  • 4 of 7 Railways
  • 5 of 7 Maritime
  • 6 of 7 Road Sector
  • 7 of 7 18-day Campaign to End Violence Against Women

DOtr approved pilot implementation

Inaprubahan na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pilot implementation ng operasyon ng mga motorcycle taxi sa bansa.

Bunga ito ng rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG), na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOTr, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metro Manila Development Authority (MMDA), Senado, Kongreso, commuter welfare groups, road safety advocates, motorcycle manufacturers, motorcycle organizations, at law schools.

Inaasahang magsisimula ang pilot implementation ng motorcycle taxi operations, katuwang ang ride-hailing service na Angkas, sa unang bahagi ng Hunyo o isang buwan matapos lagdaan ni Secretary Tugade ang General Guidelines sa pilot implementation, at kasunod ng pagpapatupad ng naaayong public awareness campaign. 

Sakop ng pilot implementation ang Metro Manila at Metro Cebu na magtatagal nang anim na buwan.

Ang isasagawang pilot implementation ng motorcycle taxi operations ang magsisilbing batayan ng mga panukalang batas sa Mataas at Mababang Kapulungan kabilang na ang Senate Bill No. 2180 ni Senador JV Ejercito, kaugnay ng regulasyon ng motorcycle taxi industry sa bansa. Matatandaang kinausap ni Ejercito ang DOTr upang pag-aralan ang pag-aapruba at pag-regulate ng mga motorcycle taxi sa bansa.

Ayon kay Secretary Tugade, ang pag-apruba sa pilot implementation ng motorcycle taxi operations ay patunay na ang gobyerno ay nakikinig at tumutugon sa mga hinaing at suhestyon ng mga mamamayan.

“Patunay ito na nakikinig ang gobyerno sa publiko. Patunay ito na bukas ang aming mga isip. Noong Disyembre ay inatasan natin ang pagbuo ng TWG, at itong general guidelines ang bunga ng mga pagpupulong na iyon,” ayon sa kalihim.

Kasabay nito, binigyang-diin ni Tugade ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa mga ride-hailing service bilang pampublikong transportasyon. 

“Mariin naming binabalaan ang mga ride-hailing service na sumunod sa safety requirements sa kanilang operasyon. Huwag ninyong sayangin ang tiwalang ipinagkaloob namin sa inyo sa pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga commuter. Pangunahing responsibilidad natin ang kaligtasan ng publiko. Kaya kapag pumalya kayo sa pamantayan natin, we will not have second thoughts on halting the pilot implementation,” giit ni Tugade.

Safety Requirements

Nakapaloob sa general guidelines para sa pilot implementation ang ilang safety requirements para sa motorcycle taxi driver at pasahero. Kabilang dito ang pagsuot ng safety gear na naaayon sa batas katulad ng helmet, reflectorized vest, at vest-based strap o belt; pagsunod sa speed limit na 60 kilometers per hour; pagmintina sa maayos na kondisyon ng motorsiklo; at pagsuot ng akmang uniporme ng mga driver.

Hindi rin dapat hihigit sa sampung (10) oras kada araw ang pagbiyahe ng mga rider.

Nakasaad din sa general guidelines na kailangang may accident insurance ang motorcycle taxi, sa halagang kapareho o mas mataas pa sa singil ng Passenger Personal Accident Insurance Program (PPAIP).

Fare Matrix

Sa pilot implementation sa Metro Manila, PhP50 ang singil sa unang dalawang kilometro; PhP10/km hanggang pitong kilometro; at PhP15 para sa mga susunod pang kilometro. Dahil “dynamic” ang singilan batay sa supply at demand, magpapataw ng 1.5x cap sa surge o pag-akyat ng singil.

Para naman sa Metro Cebu, PhP20 ang singil sa unang kilometro; PhP16/km hanggang walong kilometro; at PhP 20/km sa mga destinasyong lampas sa 8 kilometro.

May kapangyarihan ang LTFRB na repasuhin at rebisahin ang surge cap. 

Data Sharing

Nakasaad din sa general guidelines na tanging sa pamamagitan lang ng mga motorcycle ride-hailing app pinahihintulutang mag-operate ang mga motorcycle taxi. 

Habang umiiral ang pilot implementation, inaatasang magsumite ang ride-hailing platform kada buwan ng datos kaugnay ng mga kinasangkutang road crash, reklamo ng pashero, layo ng biyahe at nasingil na pasahe. 

Key Performance Indicators

Upang masusing matasa ang pagiging epektibo ng pilot implementation ng motorcycle taxi operations, nagtakda ang TWG ng Key Performance Indicators (KPI). 

Pangunahin dito ang Accident Threshold. Kapag umabot sa 5% ng kabuuang biyahe ang mga naitatalang major o minor na aksidente ng motorcycle taxi, o ‘di kaya’y nagkaroon ng major o fatal incident, agad magpapatawag ng emergency TWG, na susundan ng imbestigasyon at kaukulang aksyon kabilang na ang posibleng suspensyon ng pilot implementation. 

Kasama rin sa KPI ang mga maiuulat na paglabag sa mga batas-trapiko at feedback ng mga frequent customer. 

Lalahukan ang pilot implementation ng nasa 27,000 riders mula sa Metro Manila at Metro Cebu.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark de Leon, umaasa ang TWG na makatutulong ang pilot implementation sa mga babalangkasing batas kaugnay ng mga motorcycle taxi. 

“Importante ang pilot implementation na ito upang ma-refine pa natin ang general guidelines, at masilip ang mga posibleng problema sa proseso o sa standards, nang sa gayon ay makatulong tayo sa pagbabalangkas ng batas na talagang akma sa mga pangangailangan at kaligtasan ng ating mga commuter,” ani Usec. de Leon.

###

Pampublikong Pahayag

ika- 10 Mayo 2019